Thursday, July 25, 2013


O Cabuyao!
Tula ni Eisa Rene Saturno Batallones
ika-6 ng Disyembre 2011

O Cabuyao! simula sa pagkabata’y aking nasaksihan
Mga gintong pangarap sadyang mahirap makamtan
Ang mga malawak na bukirin mo’y nagsilbing tahanan
Ng mga dukhang magsasaka lupain mo’y pinagyaman

O Cabuyao! mga pasyok ng palay gintong butil ay sumilay
Iwinisik ang halimuyak dala ng hanging amihan
Nagsilbing pataba sa puso ng bawat taong nananahan
Nagwakas ang karimlan at nabukasan yaring isipan

O Cabuyao! hindi ka sumuko sa hamon ng buhay
Nanatiling matatag sa unos maging sa kahirapan
Pinagyaman mo ang lahi na lahat sa iyo ay ini-atang
Pinasan yaring mga dusa at nanatiling matapang

O Cabuyao! sadyang kay bilis at karukhaan ay naibsan
Ngayon ay Isa ka nang matatag na bayan sa katagalugan
Isang bayan na mayabong at hitik sa pag-pasa’t kaunlaran
Tunay na dapat kang ipagmalaki ng iyong mga angkan

O Cabuyao! Tila ba ikaw ay perlas sa pusod ng karagatan
May taglay na alindog, mapang-akit, puro at dalisay
Sabyang kamangha-mangha ang likas mong yaman
Kaya’t mga dayuhan ninais dito na manirahan

O Cabuyao! pangalagaan mong mabuti dangal na iningatan
Huwag kang masisilaw sa yaman at karangyaan
Matatag na itapak sa lupa ang mga paa at ito ay sulayan
Ng dangal, ng hiya, ng kimi at hindi ng pagmamayabang

O Cabuyao! kahima’t may isang tao naroo’t nanunungkulan
Naging isang pinunong sakim sa kapagyarihan ay gahaman
Humayo sa lansangan kalampagin ang mga mamamayan
Isulong patalsikin at pababain sa kaniyang panunungkulan.

O Cabuyao! panulat na aking hawak sadyang kailangan ng magwakas
Subalit itong abang lingkod mo, narito’t may nais na ipatalastas
Mga mumunting kahilingan nawa ay hindi ito mag-wakas
Sa pagkasawi ng puso ko at tuluyan itong malagas

O Cabuyao! pangarap kong maglingkod sa iyo ay naparam
Sapagkat, Kahirapan ng buhay ang siyang naging dahilan
Subali’t, pinili kong landas na tahakin ay puro kabutihan
Upang maipagmalaki mo ako at maging isang huwaran

O Cabuyao! batid mong malayo na ang aking narating
Mga lumipas na araw, mga taon, tila di ko na rin napansin
Nakipagsapalaran sa iba’t-ibang lupain at nagpaalipin
Maging hatid nito ay ligaya sa magulang na nangulila at nanimdim

Mga hinabing kuwento, aklat at mga tula
Sa iyo ko iiwan sakaling ako ay lumisan
Ipamahagi ang sipi sa lahat ng kabataan
Upang maging gabay sa kanilang kamusmusan

O Cabuyao, sakaling magwakas yaring aking buhay
Sa Tanging Diyos lamang laan ito at ini-aalay
Mga labi ko ay igala sa iyong nasasakupan
At ipabatid ang paglisan ng anak mo na mapagmahal

O Cabuyao! O Cabuyao!
May kislot sa dibdib ko na hindi maibsan
Nais kong suriin mo ang pananampalatayang pinagmulan
Ng mga ninunong nag-buwis ng buhay
Sa mga dayuhang nagnakaw sa ating kasarinlan, nang
Manumbalik yaring tunay na pagsamba sa Diyos na Maykapal

Paalam, paalam mahal kong Cabuyao
Laman ng puso at isip ko ngayo’y pawang nabitiwan
Naisiwalat lahat at ngayo’y tinutunghayan
Binabasa’t sinusuri ang mensahe nitong taglay.

O Cabuyao tunay ka na isang bayan na dapat ipagmalaki at protektahan….

 KAHAPON, NGAYON AT BUKAS


KAHAPON
Ang BAYAN ko’y punong puno ng lumbay
Sa lahat ng bagay ay salat maging sa yaman
Nagkasyang samyuin, halimuyak ng bulaklak sa parang
Puto’s naman ito ng luksa’t pugad ng panglaw.
Inakalang ito’y isang libingan lamang
Ng kawalan ng pag-asa’t inasam na tagumpay.
Mangyari, Kahapon
Wari ba ako’y nalason.

NGAYON.
Nakabangla sa mga mata ang proresibo
Sa mata’y ligayang handog ang nakikita
Libingan ng kahirapan hinukay ang pag-asa
Umusbong ang halamang pugad ng ginhawa;
Nguni sa pakiwari ba’y ito’y maliit pa
Para sa BAYANG minahal ko’t sininta
Papaano, Ngayo’y
Nakamtan ang layong ginhawa.

BUKAS
Sino ba kaya ang makatatatap
Sa inaaning pag-ulad ay hindi magwawakas?
Ang BAYAN ay tila lunday ng dagat
Na inaamihan at hinahabagat;
Itong aking BAYAN ay isang palanas
Na nabibinhian ng lungkot at galak
Bukas, harapin ang nakaambang panganib
Kakayanin ba natin?

KAHAPON, wari ko’y nalupig ang kahirapan
Sa tuktok ng bundok sa silangan ang araw ay sumiwang
Madilim at makapal na ulap ay naparam
Sumambulat na liwanag, bayan ko’y tinanglawan

Init ay dumamapi sa balat ay bumukal.
butil ng pawis hatid ay hapdi sa mata’y may hilam
yumakap sa pag-asa, Diyos ang pinagkunan
ng tiwalang makakamtam, tagumpay na inasam

NGAYON, nais mong bilangin mga bituin sa langit
Sapagkat nakamtan na ang kinang na hatid
Sa BAYANG umasang ang pag-asay hindi ipagkakait
Nang makamtan, biglang nasilaw, sa kaban ay nangumit

BUKAS, matalinong pagpapasya ang dapat na ihatag
Alaming lubos ang hatid ng BUKAS
Huwag palilinlang sa mga taong likas
ang kasakiman sa sarili’y walang humpay, walang wakas

KANDIDATONG PULPOL
Tula ni: Eisa Batallones

Mataginting ang musika.
Musika ng Kandidatong Pulpol; 
Ikinakaway ang mga kamay, 
sabay hagis ng mga kending nabili sa bangketa. 

Sinalo, nag-agawan ang mga bata; 
batang nanlilimahid sa dumi, 
sabik na isinubo‘t nginuya,
kumaripas ng takbo, muling nakigulo.

Si Kandidatong Pulpol,
Hangad muli ay trono,
Walang inatupag kundi ang manloko,
Sa publiko siya ang panalo

Bahay at lupa ay handang isanla
Pagyayabang ang hatid sa nadla
Tanawing sinalikop ng matang tigalgal 
at ang iba’y nakangising parang aso may busal.

Dalawang lalaki, bitbit ang polyeto’t balde ng pandikit. 
Ipinahid sa pader ang malagkit na gawgaw, 
ipinost ang polyeto ng Kandidatong Pulpol 
sa larawan siya ay nakangiti. 

Pagkaraniwang tanawin sa panahon ng eleksyon. 
Tulad ng pagdaramit ng basahang pangako ang layon 
o panlalagas ng hininga ng matandang hukluban, 
tila wala ng pag-asa pa ang bayan ay makabangon

Nanugis ang Kandidatong Pulpol, 
may mga nasukol at doon…
sa kadiliman ng gabi’y pinanhik 
ang mga nakagiwang na bahay

Usap doon, usap dito
Pangako, pangako, pangako… na naman?
Tila ba walang katapusang pangako
Inabot ng matandang hukluban ang pera,
Ng estudyante, ng pahinante, ng magbobote
Maging… ikaw din, hindi mo pinalampas?

Kamusta ka Kandidatong Pulpol,
Pangako mo bay nasunod?
Nabigyan ba ng kita ang masahista,
matadero, karpentero, modista,
bodigero, labandera’t pansadora,
ang atsay tila wala na ringm mapasukan.

Naihain mo ba sa kumakalam na lamesa,
ang binahang kalsada’y natuyo na bang tuluyan
at ang buwan,
ang buwan ang bingaw na pinggan -
ng daklutin ng paslit –
ng mga matang luwa’t naglalaway
ang kanin –
ang kanin ng bandehado na sapu-sapo ng ina:
ang ulam - 
ay nilagyan lamang ng asin at tubig
tanawing sinaklot ng mga mukhang natigalgal
samanalang ito’y pangako mong tinuran
na dapat solusyunan…dapat tupdin.

O, Pulpol, ay, Pulpol
Ikaw nga’y isang Kandidatong Pulpol
Sa iyong katawan ginto’y nakakulapol
Sa daliri, tenga, leeg,
Maging sa braso at dibdib

Hay nako, dir, ikaw ay parating pagod
Inuumaga sa pagtulog, naroon sa kabit 
Ikaw ay nakayupyop,
Aba’y hindi ka rin nagsawa:
Libutin ang alin mang lupalop

Bakit ba misyo’y di matapos tapos?
Gayunma’y di aksaya,
Ang pera –
Perang hindi naman sa iyo
Bakit iyong ginagasta
Kasi’y nakataya at d’yan nakaangkla
Luho’t layaw ng iyong pamilya .

Tengkyu’t nagpaunlak sa hiling ko’t hibik
At pagpasensyahan ang pasaring nabanggit
Pangako ay ito: sa aking pagbabalik.
Ibayong pasaring ang iyong maririnig –
Malamang mata mo’y sa galit maniningkit.
ng sa susunod na elks'yon ikaw ay manguyapit
ng hindi ka na kumandidato pagkat silay 'di na boboto!

(paunawa wala po akong nais patamaan sa tulang ito...ginawa kong makabago ang tema upang maihanany sa mga rebolusyunaryong makata)