Sunday, July 21, 2013

ANG BINHI
Tula ni: Eisa Rene Batallones y Saturno

Ang katulad ko’y binhing binunot na tanim
Sa nilagakan kong luad sa silangan lupain
Ang bayan kong ito’y sadyang ubod ng rikit
Sa puso’t diwa ko ay hindi mawawaglit

Kahima’t naroroon mga ibon sa himpapawid
Malayang ikinakampay mga malabay na bagwis
Sa pagdating ng hapon sa mga puno’y nagsisiawit
Masayang hinaharap ang nagdaang hapong nawaglit

Nagmula sa kabundukan mga lagaslas ng tubig
Umagos sa sa lupang sinilangan kong tila sabik
Sa pag-asa at kasarinlan kay tagal nais makamit
Ng mga dukhang kagaya ko yaman ay ipinagkait

O sadyang marami nang lumipas na araw
Sa puso ko’t damdamin mga ala-alay naiwan
Ang mga kaligayahan maging ang kalungkutan
Kapag dumaan na’y hindi na kayang balikan

May lungkot ang himig ni Inay na nagduduyan
Mga nota ng awitin sa hangin ay lumulutang
Tila ba sumusugid sa damdami’y may kalungkutan
At sa aking gunita’y malabo, malamlam.

Nang ako’y musmos pa’y aking nakagawian
May ngiting salubungin ang sikat ng araw
At sa damdamin ko’y tila nag-aalab na balaraw
At para baga itong naglalata at kumukulong bulkan

Sa diwa ng tula ko’y, ang hangin ay nagduruyan
Ninais na mangyari mataas, mababa’y magpisan
Ang mga dukha’t maralita maging ang mayayaman
Dapat pantay pantay sa paningin ng mga nanunungkulan

At igala yaring mga mata sa kapaligiran
Damhin ng puso mo naglipanang kabataan
Sa pag-aaral ay dapat nagsusunog ng kilay
Hayo’t nagbubungkal ng pagkain sa basurahan

Kailan darating ang tunay na kaginhawahan?
Kailan makakamit ang tunay na kalayaan?
Kailan diringgin ang hinaing ng mamamayan?
Kung tapos na ang bukas at hindi na masisilayan!

No comments:

Post a Comment