ANG MGA PULITIKO
Tula ni: Eisa Batallones
Pulitika, Pulitiko, Ano itong Hatid mo?
Ang nakakasawang Pulitika
Dinggin n’yo ang sirang plaka
Ng mga pangako’t litanya
Tila ba isang matandang ulyanin
Salitang binitiwa’y tinangay ng hangin
Nalibing sa limot, salitang kay tulin
Ngiting pakunwari, d’yan siya magaling
Habang nagpapataya si Kaka ng juweteng
Dalang balita’y si Mayor na magaling
Sa pangungurakot ay ubod ng tulin
Sa pagtulong nama’y bitin na bitin
Mga tambay naman ay walang magawa
Si Congressman naman ang kanilang paksa
Pera ng bayan, babai’y nagpasasa
Itong si Kumander, walang nagawa
Itong si Gobernor may kinubrang intelehensiya
Galing sa pasugalan, prostitusyon pati sa droga
Sa harap ng medya tila maamong tupa
Tamis ng salita, pangakong kulay sutla
Sa binguhan nama’y si Senador ang bida
Kasabwat sa proyektong maanumalya
Milyong pisong pakimkim saan kaya dinala
Nakakatulog pa ba sila sa gabi ng mahimbing?
Anak ng tokwang pulitika
Uod ka sa buhay ng masa
Lason kang gumagapang
Sa mga kapos ang isipan.
Pumintig ang puso, kumabog ang dibdib
Naghari ang takot, sa mata’y sumilip
Napinta sa mukha, pangamba’y hatid
Daluhong ng sukab, madla’y nanginig
Sukab na pulitiko, ay nagpaanunsyo
Mamumudmod daw ito ng mga regalo
May kasamang pera pambili ng boto
Araguy! Saan n’ya kukunin kapag siya’y nanalo?
O kalugod-lugod DAW na kandidato
Taong bayan, pasan ang kapritso n’yo
Hikahos na buhay, sa inyong panloloko
Mailuklok lamang, sa hangad na pwesto
No comments:
Post a Comment