Thursday, July 25, 2013

ISANG DIPANG PAG-IBIG
Oct. 1, 2007

Isang dipang pangarap, isang dipang pag-ibig
Tila ba isang dipa lamang ang sukat nitong langit
Siphayo ng buhay, kaginhawaan ay ‘di makamit
Ligalig na kalooban, bagabag ang siyang hatid

Mga tanging hikbi ang siyang maririnig
Sabay sa ugoy ng duyan tali’y lumalagitik
Kiyakis sa bakad ‘di nakataling mahigpit, 
Luha’y tinangay ng hangin mula sa iyak na impit

Umiyak ang sanggol ‘pagdaka’y binitbit
Inihele sa braso at dito’y kanyang iniipit
Sabay sa pag-awit ng may iyak at pasakit
Tahan na Oh bunso! ito ang siyang sambit

Isang dipang paglingap, isang dipang pasakit
Pag-aaruga ng magulang ay mistulang parikit, nang
Nagaalimpuyong damdamin sa pusoy nakadikit
Tila pasan ang mundo, banaag na liwanag ay pusikit

Itiningala ang ulo at ang mga mata’y nakatitig
Sa kalangitan ay nais niya’y dito’y manguyapit
Mga dasal at hiling namutawi sa pagal na tinig
Lumuhod sa lupa, Ya Allah! Tangi niyang sambit

Nang di anu-ano’y may narinig siyang tinig
Aking alipin tumayo ka, itaas ang mga bisig
Pagsubok sa buhay nais Ko sa iyo’y ipahiwatig,
Malaman kung hanggang saan ang iyong pananalig.

Batid mo bang Kita’y aking sinusubukan,
Sa asawa, anak at maging sa kabuhayan?
At kapag ang unos sa buhay ay nalusutan
May ligayang hatid ang sa iyo’y Aking laan.

Tatanawin mo ba ang kadawagang matubig?
Kung mistulang kumunoy na sa iyo’y lulupig
O mananatiling mga mata’y sa baba nakatitig
Hahayaang kumati ang sigwang dala ay pasakit 

Walang anu-ano’y tali ng duyan ay napatid
Napabalikwas ang katawang dito’y nakahilig
Naudlot ang pagtulog na may dalang panaginip
May ngiti sa labi napawi sa puso ang ligalig.

Kaya mo bang sukatin ng isang dipa lamang.
Ang lahat ng bagay na iyong nararanasan?
Kung ang lahat ay may sukat dito magwawakas
Ang isang dipang haba ng isang dipang bukas

Isang dipang kalungkutan, isang dipang saya
Isang dipang luha, isang dipang tuwa
Isang dipang pighati, isang dipang ligaya
Isang dipang langit, isang dipang pag-ibig.

No comments:

Post a Comment