Wednesday, July 24, 2013


KAYAMANANG LUMILIPAD
Tula ni: Eisa Rene Batallones y Saturno
March 1, 2013
Al Malha jizan KSA


Dugo at pag-big sa kapirasong lupa
Pumatak sa buhangin natuyo na kusa
Tubig sa dalampasigan hinugasan ito kapagdaka
Pag-asay binuwal ng along rumaragasa

Binansagang Indio itong lahing kayumanggi
Masakit man sa pandinig kinuyom sa mga daliri
Ang silakbo ng damdamin nasawatang magrikit
At sa likod ng mga mata’y, poot ay ikinubli

Nalibing sa limot ang mga Indiong sinubok ang…
mga patalim na hinugot, itinarak at itinusok
sa mapang-aping dayuhan silay nakipag-amok
ipinain ang buhay, dugo’y pumatak sa tuyong alikabok

Mga Hapon ay dumating kasarinlan ay siniil
Makapili’y nagtaksil sa Inang Bayang ginigiliw
Guerilla sa kabundukan adhikai’y di nagmaliw
Sagipin ang bayan sa kamay ng mga Hapong baliw

Insurekto bang matatawag silang nagkampay ng tabak
O guerrilla sa kabundukan na iniwan ang mga lambak
Nagtago sa kalaban upang ang yaman ay pangalagaan
At sagipin ang nalulunod yaring bayang sinilangan

I shall return ang winika nitong si Uncle Sam
Sa likod ng mga ngiti naroon ang pagkukunwari
Kalapastangan ay natikman sa kamay ng mga puti
Naglahong parang bula kalayaang minitmithi

Nadilig ng dugo ang tigang na lupa
Pinoy kapuwa Pinoy buhay ay isinanla
Magkaibang simulain magkaibang layunin
Winasak ng pansariling gusto at hangarin

Martial Law ay ibinaba sinakal ang madla
Kalayaan ay binuwal ng diktador na mapaminsala
Umiiyak ang mga paslit sa gutom silay namumutla
Mistulang kalansay ang katawan ng mga paslit na bata

Habang nalulunod sa gutom ang mga maralita
Naroon ang Hari at ang Reyna ay nagpapakasasa
Sinaklot ng mga ganid ang yamang ipinagkatiwala
Nilustay sa kapritso habang ang tao’y sadyang kaawa-awa.

Nagkaroon ng rebolusyon doon sa EDSA dinala
Hinaing na kay tagal ikunubli ng taong madla
Nagpupuyos na damdamin nagpumulit na kumawala
Makamtan lamang ang pag-asa at nilayong maging Malaya

Marami na ang nagyari sa lahing kayumangi
Mga sinuong na panganib sa isipa’y sumasagi
Wala na yatang pag-asa na mamuhay ng tahimik
Sapagkat nakaamba sa bayan ko ang panganib,

Tiwalang iginawad sa mga taong iniluklok
Hayon tila mga hayok sa kayamana’y dayukdok
Kayamana’y lumilipad, nasa kanilang mga bulsikot
At ginawang pambusal sa kapanalig ng mga gawaing baluktot

Sa pag-usad ng panahon ano pa kaya ang magaganap
May katulad ko pa kayang hahabi ng tulang maglalahad
Nang mga bulok at kabuktutan sa bayan kong nililiyag
Na aantig sa puso ninyong walang alam kundi ang mangarap.

No comments:

Post a Comment