BUMANGON KA!
Likhang tula ni:Eisa Rene Saturno Batallones
Sept. 26. 2012
Bumangon ka...
Hugutin mo sa iyong mga bisig ang lakas,
taglay na talino ay gamitin upang umalpas,
sa pagkakagapos sa lubid ng dusa at dahas,
at ikampay ang kamay sa mga along humahampas.
Bumangon ka...
at tumayo sa pagkakahimlay,
tuntunin ang landas ng tagumpay,
at ihasik ang talino mong taglay,
ng ang kinabukasan ay maging matibay.
Bumangon ka...
itapak ang mga paa ng mahusay,
layunin ng diwa ang mga pangarap na taglay,
at huwag bibitiw sa agos ng buhay,
ang biyayang hangad naroon at naghihintay
Bumangon ka...
sulayan ng pag-asa hanggang matanaw, ang gabay...
ng mga matang nakatitig sa pangarap mong tagumpay,
Hindi ba’t iisa lamang ang buhay na iyong tinataglay
Paka-ingatan ito’t ‘wag hayaang ito ay matangay.
Bumangong ka...
Sa pagkakadapa huwag pansinin ang mga pangungutya
Uusad ba ang buhay kung walang ganap na pananamplataya?
Sambahin ang Diyos na Tagapaglikha ng may puso at ligaya,
‘Yan ang layon ng buhay tanggapin mo ito ng malaya.
Bumangong ka...
Patibayin ang dibdib sa anumang banta ng bukas
‘Wag ilibing sa limot, pangarap na walang wakas
Pasasaan ba’t makakamit ang buhay na matimyas
Hawag kang bibitiw sa lubid, kamay ay huwag kakalas
At kung ang mga bituwin ay tuluyan nang nasungkit
Ibaon sa limot ang mga dusa, pighati at mga pasakit
Pagtiwalaan ng lubos si ALLAH, ang Diyos na Marikit
Nang ang Deen'ul Islam sa iyong puso’y tuluyang dumikit.
At sa puso'y manahan din kapayapaang inaaasam
tunay na diwa ng pananampalatayang Islam
Higit pa may kalooban ni Allah'y tupdin mo ng lubusan
Nang ang kaligayahan lubos mapasa-atin magpakailan man.
No comments:
Post a Comment