Thursday, July 25, 2013

SA AKING KAMUSMUSAN

Nagugunita ko ang mga nagdaang araw
ng kamusmusan tila ayaw ko nang balikan
may hapdi sa dibdib ko’t sa isip kumintal
kapighatian ng buhay na may kalungkutan

Sa gilid na linang, mga palay na luntian
rumaragasang agos ng tubig sa kanal
wangis nito’y dugo tila ba sumusulak
sa isip ‘di mawaglit si Tatay na mapaglingap

Kung aalahanin ang hanging amihan
halik sa noon ko, tila ba may kagaslawan
naglalagos ito sa aking katauhan
naramdaman ang sigla’t, pagbabagong buhay

Kung aking pagmasdan ang gintong palayan
animo’y sumasayaw sa hanging marahas
habang sa tubig mga isda’y kumakasag
ramdam kong kalungkutan tila ba nagwakas

Kung aking samyuin ang butil ng palay
kabanguhan nito’y tila ba isang sanglay
gamot na pumapawi sa kalungkutang taglay
at aking natatanaw ang bukang liwayway

Ang buhay na taglay ng aking kamusmusan
lumbay ay napapawi sa tabi ng mahal kong Inay
kasa-kasama ko siya umulan man at umaraw
siya ang nagpapaganda sa aba kong buhay

Ang mapanglaw na gabi, sa bayan kong Kabuyaw
mga huni ng kuliglig ang siya kong kaulayaw
sa madawag na taniman na mga tubuhan
larong taguan ang siya naming libangan

Nababakas pa rin yaong mga yapak
sa putik ng baybaying ilog naroo’t naglulusak
ilog ay lalanguyin upang kalungkuta’y magwakas
walang kahulilip na saya tila ba walang katumbas.

Sa baryo ng Niugan dito ako iniluwal
ang kaniyang kapilya sa ganda ay salat
ang mga dasal ko'y laging dito’y nag-aalab
makamtan ni Ama ang paglayang ganap

Ang kapatagan mong kahanga hanga
biyayang hatid ng Diyos na Lumikha
sa iyong himlayan ay wala ng luha
wala ng daranas ni munting balisa

Ang bughaw mong kalangitan ay laging tinitingala
dala ang busilak na pag-ibig sa puso ko’t diwa
buong kalikasa’y titik na mistula 
aking nasisinag pangarap kong tuwa.

Ang kamusmusan ko sa bayan kong giliw
napawi ang lungkot at mga hilahil
sa mga tugtugin ng banda’y may aliw
siyang nagtataboy. pangungulila’y nagmamaliw

Humayo ka’t iyo itong dalawin
ang bayan ng Kabuyaw na aking ginigiliw
ang katauhan ko’y iyong pag-alabin
sa paggawa ng kabutihan dapat ay sikapin

Ako’y magbabantay, walang paghuhumpay
'di ko lilisanin, kabutiha’y aking paglingap
nawa’y daluyan ka ng biyayang ganap
ng dakilang diwa ng maamong palad

Tanging aking nais ay panatang maalab
ipagdarasal kita sa lahat ng oras
na ikaw ay laging manatiling tapat
sa panunungkulan sa bayan kong nililiyag


No comments:

Post a Comment