SA SILONG NG LANGIT
Oct. 1, 2012
Sa silong ng langit doon mo makikita
Mga nilikha ni Allah, pawang kay ganda
Iba’t-ibang hugis may iba’t-ibang kulay
Iba’t-ibang gamit laan sa sangkatauhan
Ang mga kabundukan ay nagmistulang kalasag
Sa pag dating ng unos tila pader na tagasalag
Ang malalakas ng hangin kailangan na mabasag
Nang hindi makapinsala, tuluyan itong malansag
Nakatago ang Araw sa bundok ng kaulapan
Tila ayaw masilayan ang tigang na kalupaan
Kidlat ay gumuhit na tila apoy sa kalawakan
Kulog ay umugong tila bolang nagumpugan
Lumabisbis ang mga patak... ulang inaabangan
Tigang na lupa ay naglusak dito sa kapatangan
Sumibol ang mga binhing inihasik ng kalikasan
Mga pasyok ay lumitaw na hatid ay kagalakan
Yaring mga pasyok biyaya sa sangkatauhan
Mga bungang kahoy handog sa santinakpan
Malawak na karagatan nilagyan ng kayamanan
Upang maging kapalit sa oras ng kawalan
Naroon sa karagatan mga isdang nagkislutan
Tila mga batang paslit na nagsisipagharutan
Mga biyayang hatid ni Allah sa sangkatauhan
Pagmamahal Niyang taglay ‘di kayang tumbasan
Saan ka pa susuling at bakit ‘di mo mawatasan?
Ano pa ba ang nais ng sarili mong gahaman, sa
Mundong inihasik mga bitag na kagandahan
‘Di pa ba mapagtanto ang sanhi ng iyong buhay.
Sa puso mo ay nakaukit ang Kaniyang Kaisahan
Ngalan Niya’y ipinabatid at dapat mong malaman
Ano ang nagtulak sa iyo upang ito’y ‘di mawatasan?
Inari sa sarili ang pagmamalaki at kayabangan.
Kung ang silong ng langit ay tuluyan ng wasakin?
Bawiin ang mga biyayang ipinagkaloob Niya sa atin.
Kung ang mga kabundukan, Kaniya itong pulbusin,
May silbi pa ba sa buhay kong ito’y Kaniyang
papalisin?
Saan ka kaya tatakbo, saan ka patutungo?
Sino ang taong tatawagin upang sa iyo ay sumaklolo?
O ang Diyos ba na kinilala at sinamba-samba mo?
Darating kaya siya upang sa iyo ay sumaklolo?
Hanggat ang tik-tak ng orasan ay ‘di pa nagmamaliw
Sa tik-tak ng orasan mga pintig ng puso’y sumasaliw
Kung ang mga pintig nito’y tuluyan ng bumitiw
Wala ng pag-asang makabalik sa mundong ginigiliw.
[Huli na kaibigan, huli na; kung silong ng langit
ay tuluyan ng nilisan ng katawan mong hiram lamang sa Diyos. “Sa Silong ng
Langit” banaag ang pag-asa at tagumpay tungo sa buhay na Walang Hanggan.]
No comments:
Post a Comment