Filipinas Kong MahalTula ni: Eisa Rene Batallones
January 14, 2011
Aking nakikita at nararamdaman
hapis na buhay ng aking mga kababayan
sa gitnang silangan sila'y nakipagsapalaran
maiahon ang salat at dukhang pamumuhay
mga kababayan ko’y inalilang lubos
ng mga amerikano, hapon at arabo
trato sa kanila’y parang basahang trapo
naging pabigat sa puso at dibdib ko
nais kong pukawin ang sambayanang Filipino
sa munting tulang ito maiparating ko sa inyo
ang aking layunin na magkaisa tayo
upang maitaas ang antas ng ating pagkatao
mga ninuno natin ay buong tapang na nanindigan
iwinagayway ang bandila upang makipaglaban
sa mga dayuhan dala ay pawang karahasan
at gawing alipin ang buong sambyanan
at sa oras ng aking pamamahinga’t pagninilay-nilay
ako’y nababahala sa aking nasasaksihan
mangagawang Filipino sa knilang pakikipagsapalaran
ninakaw ang karapatan dangal ay niyurakan
nasaan na ang nangakong sila'y manunungkulan
sasagot sa karaingan ng mga kapos palad kong kababayan
ang Embahada’t Konsolado ay walang pakialam
sa mga nangyayari sila'y nagbubulag-bulagan
hindi na ako umaayon sa sinabi ni Gat Jose Rizal
na ang mga kabataan ang pag-asa ng bayan
ang bansang itinangi ng puso ko't isipan
binababoy ng mga Pulitiko patuloy na yinuyurakan
Iisa lamang ang sagot sa ganitong kalakaran
Takot sa Diyos ay ipamulat sa mga kabataan
Na kung sakaling sila'y lalaki't manunungkulan
Maiiwasan ang pangungurakot at magkamal ng kayaman
Magkapit bisig tayo O mga kapatid kong Muslim
Halina’t isa puso yaring tunay na adhikain
Ipalaganap ang Islam sa minamahal nating bayan
Upang sa hinaharap ay ating makamtan
Ang kasaganaan, at mayroong ligtas na kapaligiran
At kung sakaling, ako'y manungkulan
sa senado ako ay padparin ng aking kapalaran
imumungkahi ko, ilagay sa kurikulum ang Islam
upang mapag-aralan, gawing batas at batayan
ng lugmok na bansang Filipinas kong minamahal
Tanging ang gabay ni Allah ang sagot sa mga karaingan
Tiwala'y huwag aalisin sapagkat Siya ang Diyos na maalam
Kung ang bawat Filipino sa Kaniya'y sasamba't magpupugay
mapaparam ang lahat ng hilahil dusa't kapighatian.
Gumising ka O Bayang Filipinas, sinabing lupain ng gito at bulaklak
mga talulot nito'y naluray at nalagas, pilitin nating ihasik ang butong
nagkalat, arugain ito na ang pagsibol nito'y maging banayad,
upang ang mga talulot ay magsilbing halimuyak,
ng sa ganoon ay makabangon ang Filipinas sa dusa at sa hirap.
No comments:
Post a Comment