Thursday, July 25, 2013


ANG DIYOS NA MAAWAIN AT MAHABAGIN

Ikaw na bayan ko’y biyaya ng Maykapal
sakdal ng ganda ang lupaing maringal
yaman ay saklolong walang humpay sa pagbukal
daloy ng biyaya’y tila wala ng pagsisidlan.

Mula sa alindog na iyong tinataglay
sukat bang lurayin ang angkin mong kariktan
nagmistulang ginapas tila dayaming nagkalat
ganda mo’y sinimsim nagmistulang warat.

Bayan ko’y marapating lawitan ng habag
daing ng musmos magkaroon nawa ng pakpak
O Diyos na Maykapal, hangad nami’y paglingap
ilukob Mo ang awa maging ang Iyong habag

O Diyos na Maawain, Ikaw na Mahabagin!
Ikaw ang buhay ko hanggang magtakipsilim
Sa maalong dagat, Ikaw ang nanaising
magligtas sa akin maging sa bayang ginigiliw

Ikaw ang patnubay sa daang makitid
sandigan ng lakas habang dila’y nauumid
gabay Mo’y asam pagdating ng masisidhing tukso
lumbay ko’y pawiin saklolohan mo ako!

O bayan ko, ikaw’y kumapit sa lubid ng pag-asa
huwag kang bibitiw kahit taglay mo ay dusa
pasasaan ba’t makakamit biyayang ‘di nagbabawa
man di’y malulupig ang mga taong timawa.

No comments:

Post a Comment