SA AKING MAHAL NA BAYAN
Sa aking murang isipan. naroroon ang pag-asa
na maalis ang tanikala nakagapos na diwa
diwa ng kamusmusan inagaw sa pagkabata nagmistulang basag mga munting pangarap
Pangarap kong makamit tagumpay na pinangarap
nalagay sa panganib musmos na diwa ay nilingap
inilihim sa sarili ang mga hinabing pangarap
pangarap ay nalibing sa hukay ng dusa, pighati at hirap
Aking bayang ginigiliw, hukayin mo ang pighati at hilahil
ang dusa at kawalang katarungan ng mga taong mapaniil
sa kamusmusan at kawalan ng kakayahang lumaban
narito ang anak mo
mga anak dalita, sakdal ng hikbi at pasakit
lunod sa kawalan ng katarungan
igawad sa amin ang kasarinlan
na minimithi ng aba mong lipunan
Aking minamahal na bayang sinilangan
Puksain mo ang mga buwitre sa lipunan,
ang mga buwaya sa lansangan naroroon at nakaabang
ang matatalim na pangil na sasakmal sa kahinaan
ng mga taong walang kakayahang ipagtanggol ang sarili
na lumaban at ipagtanggol ang sariling kapakanan
Hayon sa palasyo at naglalakihang tahanan
lulan ng magara at malamig na sasakyan
sila ang hari at nasusunod sa lipunan, sila rin ang
sanhi ng pagdurusa ng abang mamamayan.
Mahal kong bayan, ikampay mo ang iyong mga kamay,
at itadyak ang mga paa na bumabagtas sa nilalayong pangarap
damhin mo yaring hinaing...
pasasaan ba at makakamit ang tunay na tagumpay
na mamayani ang dukha sa kamay ng mga mayayaman
Usigin sila, usigin ang kanilang konsensiya
iladlad ang kabulukan ng mga pinunong gahaman
sa kapangyarihan sila ay tila di nabubusog
uhaw at gutom ang mga sikmurang hayok
at ang kaban ng bayan ay nilamon ng mga dayukdok
kawawang mamamayan hirap sa pagkayod
maibsan ng kaunti ang dusa, pighati ang buhay na hilahod
Minamahal kong bayan
Naririto ang anak mong nagpupuyos
sa galit sa mga dayukdok
inuusal sa mga labi at sa mga kamay ito ay nililok
na ibangon ang pagkakahimlay ng isipan at bigyang tuldok
ang laganap na katiwalian ay inuusig ng inyong abang lingkod.
eisa batallones
february 24, 2013
al malha jizan ksa
No comments:
Post a Comment