SA AMING BAYAN
May isang bayan sa Katagalugan,
at yan ang bayan namin.
May mga taong palihim na tumutulong,
Maralita’y kinukokop ng may mabuting layon,
Sa pagdating ng unos sila’y laging naroroon,
Bitbit ang bungkos ng pagkain, pantawid guton
Pero hindi sila mga politiko,
O opisyal ng gobyerno.
Sa bayan namin, may mga taong
hindi nagaalimura sa aming harapan
Paggalang sa matanda’y gayon na lamang
Hindi ipinagyayabang ang kanilang pinag-aralan
Sa pakikitungo’y suot ang magandang asal
Pero hindi sila mga politiko,
O opisyal ng gobyerno.
Sa bayan namin, may mga taong
ginawang pangunahin ang pulitka sa pagkilos.
Ang pagtulong sa amin ay hindi ipinagdaramot
Kasama namin sa hirap at pagod
Ganyan nila ipinadama sa amin ang paglikop.
Pero hindi sila mga politiko,
O opisyal ng gobyerno.
Sa bayan namin, may mga taong
Kumatok ka sa pintuan ika’y pagbubuksan
Mukhang nakangiti sa pintua’y nakasungaw
Agad patutuluyan sa bulwagan ng bahay
Hahatdan ng inuming malamig pamatid sa uhaw
Pero hindi sila mga politiko,
O opisyal ng gobyerno.
Sa bayan namin, may mga taong
Tinuturuan ang mga kabataang bumasa
Isulat ang pangalan, dahil kapos sa salapi
Na makatuntong ng paaralan
Habang binabaybay ng kabataan ang unawa
Ang diwa ng mga salitang
“ka-la-ya-an”
“de-mok-ra-sya”,
“Res-pe-to” at “pag-ka-pan-tay-pan-tay”.
Kilala namin ang mga taong ito.
Kung paano! Sa tuwing darating ang unos sa aming buhay
Nariyan sila, hindi na kailangan pa silang lapitan
Sila ang kusang naghahatid ng damay sa lupit ng buhay
Sila ang totoong taong may malasakit sa aming kapakanan
sapagkat sila ang namumukod-tangi sa lahat
ng aming mga mahal sa buhay at mga anak.
___________________________
Likhang Tula ni Eisa Rene Batallones @ March 5, 2012
No comments:
Post a Comment