PARA SA AKING MGA
KAMAG-ARAL
Likhang tula ni: Eisa ‘Rene’ Saturno – Batallones
Jubail, kaharian ng Saudi Arabia
November 12, 2005
Bago ko pasimulan ang hinabing tulain
Isang malugod na pagbati aki’y bibigkasin
Nagmula sa Diyos Panginoon ng Alamin
As salam alaykum, kapayapaan nawa ay kamtin
Sa mura nating isipan naroon ang mga pasakit
Hirap ng buhay ay binata sa liwanag na pusikit
Kadiliman ng gabi nagliwanag sa sulong nagdirikit
Kapaligira’y namamalas na sadyang kaakit-akit
May kadiliman ang buwan sa gabing tahimik
Tambuko‘y nagulantang sa huni ng mga kuliglig
Mga alitaptap ay naglabasan munting ilaw ang hatid
At ang lawiswis ng kawayan tila musika sa pandinig
Hinubog ang diwa na gamit ang panulat
Nagsunog ng kilay upang diwa ay mabanat
Natanim sa puso mga luntiang pangarap
At dito ay umusbong mga adhikaing ganap
Sukdulan ang taas ng mga pangarap
Pinakamatayog na bundok ninais na maakyat
Ginamit ang lubid nang sakripisyo at hirap
Upang tagumpay ay makamit at tuluyang malasap
Binagting ang busog at palasong hawak
Na ang tinudla’y hangin maging ang mga ulap
Yumapak sa tubig, kumapit sa kidlat
Ang tuntungang bato, ay nagkabitak-bitak
Lupasay na ang Tambuko sa dami ng tao
Sa bigat ng ginto na dinadala nito
Lumakad sa apoy ng mga prinsipyo
Sumakay sa usok ng mga kalbaryo
Hindi ako huhusga sa gawa ng tao
Hindi ako hahawak sa dinadala ko
Hindi ako titingin sa nakikita ko
Dahil ayaw kong matulad sa tamad na kuwago
Ano ngayon, saan nga ba patutungo ang lahat,
ang buhay sa mundo na ating dinaranas,
iton ba’y wangis ng relo na limitado ang oras,
o katulad ng tulang may simula’t may wakas?
Mga ilog at palayan ay tuluyan ng nawasak
Araro ni Lolo inanay na at hindi na hinahatak
Maging si Kalakian ay naglaho narin sa pusak
Tinayuan na ng gusali ang mga palayan at lambak.
Paano na ang kabataan na sinabing pag-asa ng bayan?
Paano na ang diwang nilamon na ng kabihasnan?
Paano na ang adhikaing ninais nating makamtan,
kung ang Tambuko ay tuluyang mawasak ng kaunlaran?
Paano na ang gabi kung wala na ang bukas,
paano kung ang hangin ay tumigil sa paghampas,
paano kung mapulbos mga kabundukan at ito’y mapatag,
at ang tahanan ng tao ay tuluyan ng mawasak?
Mga kamag-aral ko pagkakaisa ay payabungin
Sa pagtutulungan ay huwag tayong bibitiw
Karupuka’y sulayan ng pagmamahalang may giliw
Upang tagumpay na ninanais ay makamtan ng may aliw-iw
Kahima’t oras mo’y inilagi sa mga Bansang Kanluranin
Sa Hilaga at Timog maging sa Silangan tayo ay padparin
Ang Tambuko ay ingatan at ating pakamahalin
Huwag iwaglit sa puso maging sa damdamin
O aking kamag-aral, hinabing tula ay sa iyo ko iiwan
Lagi mo sanang dalitin at ito’y iyong pakaingatan
Huwag mong iwawaglit sa puso maging sa isipan
Ng maalaala ako sakaling buhay ko ay lumisan
At kung ako’y isa ng malamig na bankay
Tulang ito’y dalitin ng may puso‘t pagmamahal
Huwag magluluksa o bayan kong sinilangan
Bagkos ako’y ipagdasal sa aking paroroonan.
Dumating sa hangganan ang panulat na hawak ko
At nawa’y sumapuso ang mensaheng taglay nito
Lagi nating tatandaan iisa ang ating mundo
Ito’y dapat nating ingatan ginawang tahanan ng tao
TALASALITAAN:
1. Alamin – salitang Arabik na ang ibig sabihin ay mga
nilikha kagaya ng Anghel (nilikha mula sa liwanag) , Tao (nilikha mula sa
putik), Maligno (nilikha mula sa apoy na walang usok, kabilang dito si Shaytan
o Satanas, mga hayop at lahat ng may buhay (Rabb’il – alamin – Diyos ng mga
nilikhang may buhay man o wala)
2.
As salam
alaykum - salitang Arabik, na ang ibig
sabihin ay, Sumaiyo ang Kapayapaan, pagbating itinuro ng mga propeta.
3.
Binata (
pandiwa) – na ang ibig
sabihin ay nagtiis, nagsakripisyo.
4.
Tambuko – na ang ibig
sabihin ay ilog na walang hangganan dating pangalan ng Cabuyao bago pa dumating
ang mga Kastila noong ika 13 siglo
5.
Pusikit - na ang ibig sabihin ay kakaunting liwanag, may
kadiliman
6.
Kuliglig - isang uri ng insekto sa kakahuyan
7.
Alitaptap – isang
uri ng insekto na sa likod nito ay may dalang liwanag kadalasang makikita sa
mga parang tuwing sasapit ang gabi.
8.
Aliw-iw - na ang ibig sabihin ay, saya, galak.
No comments:
Post a Comment